Saturday, July 19, 2008

balik tanaw



Maganda ang buhay. Ito ay puno ng mga surprisa na nakapagdudulot ng kasiyahan at kahalagahan ng buhay. Di tayo nawawalan sa buhay; palagi tayong merong nakukuha mula dito. Kung mayroon man tayong mga masalimuot na karanasan, tayo ay nakakukuha ng mga leksiyon na maaring makatulong sa atin upang maging mas mabuting nilalang. Kung mayroon man tayong magagandang karanasan, ang mga ito ay nanantiling nakaluklok sa kailaliman ng ating mga puso bilang magagandang ala-ala. Kung susubukan nating magbalik tanaw sa ating mga nakaraan, masasabi nating kay ganda pala ng mabuhay.
Kung hayaan man akong magbalik tanaw sa lumipas, di ko akalain na ako’y makarating sa ating naratnan ngayon. Sa loob ng dalamput limang taon na pamamalagi sa mundo ay bata pa rin ang aking puso. Sa kabila ng lahat ng mga nangyayari sa aking buhay, maganda man o hindi, ay patuloy pa rin akong nakikibaka. Malinaw pa sa aking al-ala ang bawat lumipas na nakaukit sa aking balintataw.
Sabi ng aking ina na ako daw ay isang panalangin mula sa Poong Maykapal. Hindi siya gaano nagdusa sa sakit noong ipinanganak niya ako dito sa mundong ibabaw noong Nobyembre 8, 1982. Maliban pa doon, nakikita nyang mabait akong bata noong aking kamusmusan; natutulog lang ako ng mahimbing sa duyan kaya’t patuloy pa rin siya sa kanyang mga ginagawa. Umiiyak lang ako kapag basa ang aking lampin at kapag ako ay nagugutom. Di rin ako nagkakasakit noong aking kamusmusan. Marahil ito ang mga dahilan kung bakit paborito ako ng aking ina.
Ako ay lumaki sa isang relihiyosong pamilya na may anim na miyembro, Ako ay tinuruan ng aking mga magulang na magkaroon ng pananalig sa Poong Maykapal. Ang aking ama ay isang tsuper samantalang ang aking ina naman ay nagbabantay sa aming maliit na tindahan. Bilang pamilya, namumuhay kami ng payapa at simple kapiling ang aking mga kapatid na sina Ate Shella, Christopher, at Mary Grace.
Noong ako’y mag-aanim na taong gulang, ako ay pumasok sa Mababang paaralan ng Payao. Sa anim na taon na pamamalagi sa paaralang ito ay ginawaran ako ng award na 1st Honors. Marami akong mga karanasan na kaytamis balik-balikan tulad ng mga sandaling ako’y nakatanggap ng tsokolate mula sa aming guro dahil sa nai-perfect ko ang aming pasulit. Noon din nagsimula ang aking interes na maging pari pagdating ng panahon. Sa awa ng Diyos ay nakatapos ako ng Elementarya bilang Class Valedictorian. Pinagpatuloy ko ang aking pag-aaral ng haiskul sa Immaculate Academy sa aming bayan. At mabait pa rin ang Panginoon sa akin dahil ako’y nakapagtapos ng haiskul bilang Class Salutaturian.
Naaalala ko rin na unti unti nawala ang aking plano na magpapari, noong akoy nasa ika-apat na taon sa haiskul. Ako ay nahuhumaling sa computer at ninanais ko na pag-aralan ito. Kaya imbes na pumasok sa seminaryo ay kumuha ako ng kursong Bachelor of Science in Computer Engineering sa University of Bohol. Noong una ay maganda ang takbo ng aking pag-aaral. Ngunit ng lumaon, bugso ng impluwensya ng mga barkada ay natuto akong lumiban sa klase, hanggang umabot sa puntong di ko na i-maintain ang aking scholarship. Mula noon naging masalimuot na ang aking buhay. Sunod-sunod ang kamalasan na nangyari sa aming pamilya, lalong- lalo na sa pinansyal na aspeto. Hanggang ito ay umabot sa punto na pinahinto kami ng aming mga magulang sa pag-aaral dahil di na nila kaya na tustusan pa ito.
Dahil dito ay naisipan kung mag baka-sakali sa Maynila at doon ko naranasan ang maging isang waiter sa isang resturant. Ngunit masyadong masungit ang aming naging amo kaya hindi rin ako nagtagal. Bumalik ako ng Bohol pagkalipas ng walong buwan dala ang kahihiyan na hindi ako nagtagumpay. Aking napagtanto na mahirap pala ang maghanap ng trabaho kapag wala kang natapos.
Sa kabila ng lahat ng aking kabiguan ay patuloy pa rin akong ginabayan ng Panginoon. Binubuhay nya sa akin ang aking pangarap noong aking kabataan na maging pari. Kaya sinubukan kong mag-exam sa seminaryo. At sa awa ng Diyos, ako ay pumasa. Parang inihanda ng Panginoon ang lahat para sa akin. Binigyan nya ako ng benefactor at ang pag-asang kaya ko pa ring tuparin ang aking mga pangarap sa buhay. Kaya, noong June 6, 2005 ay pumasok ako sa seminaryo. At ngayon sa loob ng apat na taon mahigit sa aking pamamalagi dito, ay masasabi kong ito na nga siguro ang itinadhana ng Panginoon para sa akin. Dito ko nakita ang aking sarili na maligaya. Kahit alam kong di ako karapat-dapat para sa kanya, ngunit ginawa nya akong maging karapat-dapat. Alam kong wala akong maisusukli sa Panginoon kundi ang aking taos-pusong pagsunod sa kanyang mga alituntunin. Kaya, sa pamamagitan ng aking pagbabalik tanaw ay masasabi kong kay ganda pala ang mabuhay.

No comments: