Tuesday, November 11, 2008

Pambihirang nilalang

Pambihirang Nilalang


“Mabuti pa nga kayo may kinakain, ang iba ryan wala kahit kanin. Kaya dapat kayong magpasalamat sa Panginoon sa halip na magbagot sa kasaganaang inyong ninanais.” Ilan lamang ito sa mga salitang lumabas sa bibig ng isang lalaking humubog sa aking buhay at katauhan. Isang pambihirang taong kilala sa kanyang pagiging matalino at maparaan sa anggulo ng pagmamaneho at pagmemekaniko. Isang taong nag-iisa lamang sa mundong ito.
Isinilang siya noong Septiyembre 10, 1956 sa Payao, Duero, Bohol bilang panganay sa siyam na magkakapatid nina G. at Gng. Sancho Castino Sr. Sa gulang na pito ay pumasok na siya sa Mababang Paaralan ng Duero. Halos araw-araw ay nilalakad niya ang limang kilometrong layo mula sa paaralan upang makapagtapos lamang sa kaniyang pag-aaral sa elementarya. At sa awa ng Diyos ay nakapagtapos din siya sa taong 1968. Dahil sa hirap ng buhay ay hindi siya nakapag-aral ng haiskul. Kapwa magsasaka lang kasi ang kanyang mga magulang at marami silang magkakapatid. Kaya, di nito makayanan na tustusan ang kanilang pag-aaral. Maliban pa dito, bilang panganay ay siya ang naiiwan sa kanyang mga nakababatang kapatid na sunod-sunod habang patuloy na nagtatrabaho ang kanyang mga magulang.
Noong kanyang kabataan ay nakahiligan na niya ang mag negosyo. Kaya noong siya ay naging binata ay nagpatayo siya ng isang munting tindahan sa tulong ng kanyang mga magulang. At dahil na rin sa kanyang pagiging masinop ay lumago ang kanyang negosyo dahil sila pa lamang ang nagtitinda sa nasabing lugar. Sari- saring negosyo na rin ang kanyang napasukan mula sa pagtitinda, pagbababuyan, pamimili ng palay at kopra, pagtatayo ng bigasan, pagtatayo ng maliit na sinehan , at iba pa. Hanggang umabot sa puntong nakabili siya ng dyip mula sa kanyang kita sa kanyang mga negosyo. At naging bantog ang kanilang pamilya sa kanilang lugar bilang unang pamilya na nagmamay-ari ng dyip. Nag-aral siya ng Driving and Mechanics sa Lunsod ng Tagbilaran. Kaya, siya na mismo ang nagmamaneho at nag-aayos ng mga sira ng kanilang sasakyan.
Nang siya’y magdadalawamput apat na gulang na ay may nakilala siyang isang babae na nagpatibok ng kanyang puso. At dahil na rin sa kapusukan ng kabataan ay nangyari ang di dapat na mangyari at nabuntis niya ang isang babaeng nagngangalang Tessie. Nang malaman ng mga magulang ng babae ay nangyari ay pinatawag siya nito upang mapanagutan ang kanilang ginawa. Sa una’y naging tutol ang kanyang mga magulang sa kanyang desisyon na magpakasal dahil sa bata pa lamang siya. Ngunit dahil sa mahal din niya ang nasabing babae ay pinanindigan niya ang kanyang ginawa. Kaya noong Setyembre 31, 1980 ay kinasal sila sa simbahan.
Pagkatapos ng kanilang kasal ay bumukod agad sila. Dito niya naranasan kung gaano kahirap ang magtayo ng sariling pamilya. Maraming gabi na wala siyang tulog at halos walang pahinga sa pagnenegosyo upang lumago ang kanilang pamumuhay. Sa awa ng Diyos ay biniyayaan sila ng marami sa Panginoon. Naipa-ayos at napalaki niya ang kanilang tinitirhan at nakapagbili pa siya ng ilang materyales sa bahay. Kaya masaya silang naninirahan sa Payao kapiling ang apat nyang anak: dalawang babae at dalawang lalaki.
Ngayon ang lalaking ito ay hindi gaano nagbago maliban na lang sa ilang puting buhok na tumubo sa kanyang ulo nang ipagdiwang niya ang kanyang ika-51 na kaarawan noong nakaraang taon. Siya pa rin ang Jack sa buhay ng aking ina (Tawag kasi ni Ina sa kanya ay Jack, pinaikli sa Jacinto). Isang pambihirang nilalang dahil puno siya ng pag-ibig sa kanyang mga minamahal. At kahit na isa lang syang hamak na tsuper at negosyante ay napagtapos niya ng kolehiyo ang kanyang panganay na ngayon ay isa ng ganap na guro sa lunsod ng Tagbilaran.
Sinasabi kong isang pambihirang tao ang lalaking ito dahil sya ay isang mabuting tao na may buong pananalig sa Panginoon. Isang siyang Lay Liturgical Minister sa loob ng maraming taon. Isang taong mahinahon at handang makinig sa iyo kahit gaano pa kalalim ng iyong mga suliranin at pagkabigo. Isang taong handang magsakripisyo alang alang sa kanyang mga minamahal.
Oo, kilalang-kilala ko siya ng lubusan sa loob ng halos dalawampu’t anim na taon dahil siya ang aking ama, ang nag-iisa at pambihira kong ama. Ang taong bumuo sa aking pagkatao at nagbibigay sa akin ng mga pangaral na nagiging gabay ko sa aking pamumuhay dito sa mundong ibabaw.

No comments: